Kailan ka nagsimula, at bakit ka nagyoyosi? Alam mo ba?
Naniniwala ako sa kasabihan na "para maayos mo ang isang problema, alam mo dapat kung saan, paano, at kailan ito nag simula." Madali mo matutukoy ang solusyon kung may kaalaman ka kung paano nangyari ang lahat, at alam mo kung saan patungo ang ginagawa mo.
Nagsimula ako mamulat sa yosi sa murang edad kasi ang erpats ko nagyoyosi. Inuutusan niya ako bumili ng isang kahang yosi sa tindahan sa tapat ng bahay namin. Tuwing umaga habang nagkakape siya at nagbabasa ng diyaryo, lagi siyang may nakasinding stick ng yosi na nakadildil sa ashtray na babasagin. Hindi ko gusto yung amoy ng usok ng yosi sa totoo lang. Basta palaging ganoon sa umaga, hanggang pagkaligo niya at papasok ng opisina, nagyoyosi si erpats non stop.
Noon namang nasa elementarya ako, meron kaming kapitbahay na kaibigan ko na nagyoyosi din ang erpats niya. Matanda siya sa akin ng isang taon, saka meron siyang kapatid na kasing edad ko na lagi rin namin kasama sa mga kalokohan. Minsan nagdala siya ng isang kaha ng yosi at pinakita sa amin. Sabi niya na subukan daw namin, wala naman daw mawawala kung susubukan namin. Oo nga naman, wala mawawala kung susubukan eh ginagawa din naman ng mga erpats namin yun. Sa pagsindi namin ng isang stick ng yosi nagpasa-pasahan kami ng paghithit, pag dating sa akin doon ko naranasan ang unang hithit na nakakaubo at masakit sa lalamunan. Umayaw na ako, naisip ko tuloy kung bakit nagyoyosi si erpats eh masakit sa lalamunan ang paghithit ng usok ng yosi.
Nagpatuloy na ganoon ang paniniwala ko hanggang sumapit ako sa mataas na paaralan. Dumami na ang mga kaibigan ko na nag iimpluwensya sa akin na mag yosi. Bakit? Cool daw iyon, mas pogi, mas lalaki, mas astig, may angas pag nag yoyosi. Puwede naman ako maging ganun kahit hindi nagyoyosi, pero sa tuwing magtatago ang mga kaibigan kong yosi boys naiiwan ako mag isa, walang kasama. Minsan pumunta ako sa paboritong tindahan ng mga kaibigan kong yosi boys kung saan sila nagyoyosi madalas. Hindi kasi sila gaanong kilala ng may ari ng tindahan kaya malaya silang magyosi, wala nga naman makakarating sa mga magulang nila walang magsusumbong na nagyoyosi sila. Inaalok nila ako ng yosi, katanghalian tapat noon, tirik ang araw kailangan daw nila mag yosi kasi kakatapos lang nila mananghalian. Masarap daw mag yosi pagkatapos kumain, mabilis daw makababa ng kinain kapag nag yosi. Nakikita ko rin kay erpats na nagyoyosi siya tuwing pagkatapos kumain pero hindi ko alam kung bakit. Yung ibang tropa naman trip magyosi habang umeebak. masarap daw umebak pag nagyoyosi kasi nawawala na ang amoy, mabilis pa bumaba yung ebak. Ewan ko kung totoo lahat yun pero hindi pa rin ako kumbinsido mag yosi, sabi ko kalokohan lang lahat yan.
Nadale ako ng yosi noong kasagsagan ng pag rerebelyon ko sa erpats ko na nag trabaho sa malayo, wala akong kapatid at walang gumagabay sa akin. Pinapadalan lang ako ng pera at laging napupuna ang mabababa kong marka sa paaralan tuwing uuwi siya sa bahay minsan sa isang buwan. Minsan inalok ako ulit ng yosi ng isa sa mga tropa, ok daw magyosi pag may problema, nakakarelax daw ng isipan, nakakawala ng tensiyon. Kinuha ko yung isang stick saka sinidihan, wala naman bago paghithit ko ganun pa rin. Hindi raw tama ang ginagawa kong pagyoyosi, dapat daw pagkahithit ng usok, ipapasok pa ito sa baga sa paraan na parang huminga ka sa bibig.
Nasamid ako sa unang pagpasok ng usok na hinithit sa baga ko. Umubo ako ng todo-todo namula at naluha ang mga mata ko dala ng usok na kumapit sa mata ko, sobrang hapdi. Naisip ko na imposible akong magyosi kasi napakahirap ng pag higop ng usok. Sabi ng tropa na sa una lang yun, ganoon talaga sa una pero kasunod niyan eh sarap na. Umayaw na ako, pinatay ko na yung yosi na hawak ko sabay pitik sa kanal na may dumadaloy na tubig.
Nung sumunod na araw, tumambay ako sa tindahan na yosihan ng mga tropa. Bad trip ako sa paaralan dahil may nagnakaw ng scientific calculator ko, patay ako kay erpats. Dumating ang isang tropa at kinuwento ko ang nangyari. Nangako siya na gugulpihin namin yung nagnakaw ng calculator ko pag nalaman namin kung sino. Walang sabi-sabi bigla na lang akong inabutan ng yosi na kinuha ko naman sabay sindi. Wala sa loob ko ang lahat ng bigla ko mahigop ang nahithit kong usok. Pasok sa baga, putok sa utak, nahilo ako. Hindi ko maintindihan ang hilo na iyon pero hindi ako natakot, masaya na masarap. Ewan ko. Aksidente ang lahat, marunong na ako mag yosi. Pero hindi ko inubos ang isang stick kasi nahihilo na ako.
Simula noon, natuto na ako mag tago ng yosi sa wallet ko. Puti o lights ang unang yosi ko. Hindi matapang ika nga. Masarap magyosi sa inuman, mas marami ako nasasabi at ibang iba ang pakiramdam nang nagyoyosi. Hanggang sa hindi na ako kuntento sa lights, sinubukan ko ang pula na mas matapang. Sabi nila mas astig daw pag pula ang yosi, mas lalaki ang dating. Lagi na rin akong may nakatagong lighter sa bulsa ko, at hindi maiwasan na puro tabako ang singit ng mga bulsa ko.
Naging buhay ko na ang pagyoyosi.
Pagkatapos kumain ang sarap mag yosi, parang ang tibay ng dibdib sa hinihigop na usok, ambilis makababa ng kinain.
Pag eebak yosi pa rin, natatanggal ng usok nito ang mabahong amoy ng ebak. Parang nasa ulap ang pakiramdam pag puro usok ang paligid masakit lang sa mata pero ok lang.
Masarap din magyosi pagkatapos maligo o di kaya pagkatapos mag sepilyo ng ngipin.
Masarap na partner ng yosi ang kape.
Masarap magyosi kapag mag isa, walang kasama at naiinip. Hindi nakakasawa magyosi sa mga panahon na wala kang kasama.
Ayos din magyosi kapag tensiyonado, nakakarelax ito.
Patok din ang yosi sa mga sosyalan, masarap makipag usap kung may usok na kumakalat, parang sobrang cool at seryoso ng usapan pag may yosi.
Swak din ang yosi kung gusto mo pumatay ng oras. Relax ka lang, yosi muna.
Hanggang sa makatuntong ako ng kolehiyo hanggang sa magtrabaho ako, nagyoyosi na ako. Naniwala ako na malungkot ang buhay kung walang yosi. Bakit ba, eh mamamatay lang din naman tayong lahat. Kaya magyosi na tayo, masarap na masaya pa. Naging chain smoker ako sa mahabang panahon.
---Kung maikukuwento mo ang pinagmulan ng pagyoyosi mo, alam mo kung papaano at bakit kailangan mong tumigil sa pagyoyosi.
No comments:
Post a Comment